1.20.2010
Eat All You Can

Eat All You Can. All You Can Eat. You Can Eat All. Pagbalik-baliktarin mo man, isa lang ang ibig-sabihin niyan—lamon.

Masayang makakita at syempre makatikim ng maraming pagkain. Sangkatutak na pagkain. Maraming choices. Parang piyesta lang.

Piyesta araw-araw? Piyesta kahit anong araw? Pwede. Narining mo na ba ang buffet?

Buffet Heaven Day. Kailangang paghandaan. Todo fasting. Hindi naman. Mga limang oras lang na walang kain. Kailangang sulitin.

Round 1. Umpisa na ang buffet. Sugod agad sa buffet table. Kuha ng plato. Wow lechon. Lechon kawale at lechon de leche. Kuha ng ibang putahe.

Kain. Lechon muna. Sarap. Iba naman. Sarap din nito. Tinandaan ang masasarap na pagkain para makakuha uli. Mukhang nauubos na ang pagkain sa buffet. Kailangan nang simulan ang Round 2.

Round 2. Lechon uli. Ikot sa buffet table. Kuha dito. Kuha doon. Sabay turo. Babalikan kita.

Kain na naman. Lunok na lang nang lunok. Halo-halo na ang lasa. Tamis-anghang. Asim-alat. Pakla-pait. Lunok. Kaya pa yan.

Round 3. Lechon na naman. Lechon lang nang lechon hanggang maumay sa taba nito. Hala kuha pa ng ibang pagkain. Hindi ka pwedeng mabusog. Pilit na ipinagkakasya sa bodega.

Round 4. Panghimagas. Dessert naman. Parang kumakain lang ng asukal.

Round 5. Isa pang round sa dessert table.

Kain. Pahinga. Kain. Pahinga. Lakad. Kain. Pahinga. CR. Kain. Ulitin ng 5x.

Round 12. Masuka-suka na. Tama na. Naalalang isang capital sin ang gluttony.

Ang sarap talaga kumain. Hindi pwedeng tumigil hanggang hindi sumasakit ang tiyan. Di ba may kasabihan tayong mabuhay para kumain? Ay, baliktad ba? Hehe.

trick scribbled @ 02:24 pm
holla at me!  

1.2.2010
Bakasyon en Condotel

Nagbakasyon kami ngayong Pasko at Bagong Taon sa isang condotel. Oo, condotel. Hindi na uso ang hotel pati motel. Ang uso na ngayon ay eurotel, gwapotel at condotel.

Condotel = condominium na hotel. Bale pinapaupahan ang condo units. Tapos gaya ng hotel, meron itong room service. Ayos ba?

Hindi kami nag-out of town at lalong hindi out of country. Ang condotel ay nasa Makati, malapit lang sa opis. Oo, ang kumpanya ang nasa likod nito. Ito ang nagbayad ng accomodation. Ang kapalit ay simple lang—magtrabaho kami.

Hindi pala bakasyon after all. Deceiving yata ang title. Ok lang. Solb naman sa malamig na aircon at complimentary breakfast.

Sa uulitin. Sana sa susunod stay lang sa condotel at wala nang trabaho. Hehe.

trick scribbled @ 11:20 pm
holla at me!  

10.25.2009
Sabon

Isang sigaw ang bumasag sa mapayapang umaga. Aaaah! Saaabooon!

Oo. Ako yun. At oo. Katapusan na ng mundo.

Natuklasan kong ubos na pala ang supply ng sabon galing sa aming sponsor. Ang sponsor ay ang pinsan naming nagtatrabaho sa isang sikat na kumpanya ng sabon na itago na lang natin sa pangalang Kulugo-Pabilib.

Natigil na ang buhos ng relief goods galing kay not-so-close na insan. Paano na ang hygiene ko? Delubyo ito.

Kaya bareta na lang ang ginamit kong panligo. Only Tide Eraser Bar touches my skin. Nabura nito ang lahat ng dumi at libag sa katawan. Ayos!

Pumunta ako sa grocery. Naghagilap ng sabon. Nakita ko rin ang hinahanap ko. Dove. Perfect.

Umuwi ako at ibinalita sa bahay na simula ngayon Dove na ang gagamitin... sa labada. Kaya ngayon: Only Tide touches my skin. And only Dove touches my clothes.

Who touches yours?

trick scribbled @ 05:36 pm
holla at me!  

9.5.2009
Ba(n)tugan

Umaga na.

Nakahilata ka pa rin sa kama. May laway pa na tumutulo mula sa iyong bibig. Gising ka na. Nagkukunwari ka pa ring tulog. Mahirap gisingin ang nagtutulug-tulugan.

Pagkaraan ng ilang oras, bumangon ka na rin.

Toothbrush o ligo?

Kinuha mo ang toothbrush mo na bugbog na sa abuso. Umupo ka sa sala. Nag-toothbrush. Humiga ka sa sala. Toothbrush. Toothbrush. Brush teeth. Brush teeth. Mumog. Dura.

Kain o ligo?

Ano ba ang ulam? Kain. Nguya. Slow motion. Dahan-dahan mong nginunguya ang pagkain. Nguyaaa. Nguyaaaaa. Yuuum. Yuuuuum.

Ligo o ligo?

Pumunta ka sa banyo. Tumingin sa salamin. Sa tiles. Sa ipis. Umupo ka sa iyong trono. Nakipaglaro sa ipis. Flush.

Tabo. Buhos. Shower. Lagaslas. Ang lamig. Tabo. Lagaslas. Shower. Buhos.

Tuwalya. Punas. Damit. Bihis. Check kung bukas ang zipper. Oops. Medyas. Sapatos. Ok na.

 

Parang ayokong pumasok ngayon.

 

Nakakatamad.

trick scribbled @ 09:28 pm
holla at me!  

8.9.2009
Yellow Ranger

Ano ang nasa isip mo kapag sinabing yellow? Kanta ng Coldplay? Pikachu? Pika! Pika! Si Yellow 4? Si Yellow Ranger? Ang Yellow Ranger ng Pinas. Tagapagtanggol ng demokrasya. Si People Power Ranger.

Cory! Siya nga. Ngayong namaalam na siya, may mga tanong na mananatiling mga tanong. Sayang di na natin siya mai-interbyu. Hindi na bale. Heto:

Favorite color nyo ba yellow? Pag all-yellow suot nyo, ibig sabihin ba yellow din ang pan... talon nyo?

Favorite nyo bang anak si Kris? O sabi lang ni Krissy iyon?

Ano ang feeling nyo na andami nyong fans nang pinaparada kayo sakay ang mahiwagang casket?

Masaya ba kayo na makakasama nyo na si Ninoy—hindi sa langit kundi—sa limandaang piso?

Ano ang gusto nyo—maging bayani o maging santa? O gusto nyong pareho?

Ano ang masasabi nyo na ang L na simbolo ng laban ay may iba nang kahulugan ngayon? Loser. Yaya, you're such a loser!

Ano sana ang sasabihin nyo kay Gloria nang binisita nya kayo sa inyong lamay?
a. Plastik!
b. Mumultuhin kita!
c. Ikaw na ang susunod na kukunin ni Lord!
d. Lahat ng sa ibabaw.

trick scribbled @ 04:18 pm
1 holla back!  

7.15.2009
In Demand Si Opis Boy

Masaya ang araw na ito. Basta. Sabi ko e.

Late na naman ako si TL. Email dito. Email doon. Walang masyadong tasks. Waw! Minsan lang ito. Ang sarap pala ng walang stress at pressure. Grabe!

Tapos lunch time na. Ang bilis. May meeting habang naglu-lunch. Walang patawad! Phone patch lang ako. Others daw ako. Ok lang. Nakikipag-usap lang ako sa mga kasama ko habang nagmi-meeting sila. Mamaya nagsalita na ako dahil may kailangan akong sabihing importante. Hello! Hello! Excuse me po. May meeting na po kami. Sige. Babay!

Oo, isang meeting na naman. Eto totoo na. Hindi na phone patch. Buwanang meeting ito. Mga tao na talaga. Hindi lang boses. The usual presentation ng mga statistics, numbers, graphs, at iba't ibang reports. Zzz... Tapos dumating din ang pinakaaasam na portion, ang bonggang-bonggang awards para sa mga bibong-bibong empleyado. Mababangong salita. Matatamis na kataga. Puno ng pagpupugay. Yan ang maririnig habang binabasa ni manager ang fan mails ng mga napiling bibo employees of the month.

At ang nanalo ay si... ako. Joke lang. Walang nag-nominate sa akin, paano naman ako mananalo. Kawawa naman ako. Wala akong fans club. Haha. Parang nakakainggit. Ang galing naman niya. Ang sipag naman niya. Ang sipsip naman niya. Joke lang ang huli. Parang ang hirap naman kalabanin ang mga iyon. Parang lahat na ng programming language, database, application, system at buong universe ay alam na nila. Pero sabi ko sa sarili ko: Ok lang yan. At least, kyut ka naman. Hahaha. Joke.

Dali-dali na naman ako. Syempre, may isa na namang meeting. Para naman ito sa technical achoochoochoo. Ako kasi ang tech rep, techie, troubleshooter, troublemaker ng aming team. Tech.. Tech.. Tech.. Tik.. Tik.. Tik.. Tumatakbo ang oras. Ayan. Tapos na.

Tapos ano na ang gagawin ko? Ang hirap pala pag may free time. Sweldo! Oo nga pala sweldo ngayon. Napagpasyahan kong mag-withdraw. Inubos ko ang laman ng ATM machine. Isang malaking joke. At naglakad-lakad na din. Kasi di dapat ito ipagdamot. Kailangang ipakita sa buong mundo ang aking kakyutan. Isang malaking joke uli.

Pagkabalik ko simula na ng testing. Testing, testing. Email, email. Nagugutom na ako sobra. Nagagalit na ang aking tiyan at laman-loob. Umuwi na daw ako. Kaya go. Ang dilim na. Sugod sa sakayan. Andaming tao. Walang dyip. Hindi pa naman ako pasensyoso. Ayoko ng pinaghihintay ako. Kaya naglakad na lang ako pauwi.

Sa paglalakad, nakita ko mga taong kumakain ng ice cream. Iniinggit nila ako. Hmp. May pera ako ngayon. Kaya sasabayan ko kayo. Bumili ako ng mamahaling ice cream. Hindi ito yung tig-sampung pisong dirty ice cream. Pang-mayaman ito. At hindi ice cream ang tawag nila dito. Gelato. Pangalan pa lang mahal na.

Masaya palang maglakad habang may kinakain ka. Grabe ang trapik. Kaya ininggit ko ang lahat ng taong nasa loob ng sasakyan, habang ako naglalakad at nilalasap ang masarap na mint with choco ice cream. Mmmm... Natunaw tuloy ang ice cream ko sa kakatitig nila.

Sana araw-araw ganito. Ang hirap pala maging in demand. Haha.

trick scribbled @ 10:56 pm
1 holla back!  

7.6.2009
Work(shop) sa Antipolo

Hello uli Antipolo! Suki na ako sa lugar na ito. Pagkatapos mag-teambuilding sa Loreland at mag-Christmas party sa Glass Garden, balik Antipolo uli ako para sa aming workshop sa MMLDC.

MMLDC. Meralco…uhm…Center. Yun na. Maganda at malaki ang lugar. Maraming puno at halaman. Pang-teambuilding. May swimming pool, wall climbing at obstacle course, aviary na maraming ibon kaya lang hindi humuhuni kundi nag-iingay. May bilyaran din daw kaya hinanap namin. Nasa game room daw sa loob mismo ng tinutuluyan namin. Isang maliit na room lang pala iyon at isang bilyar lang ang meron. At may nauna na sa aming maglaro. Ayos!

Dahil sa workshop, nagkita-kita uli kami ng opismates na kalaro ko sa taguan—opismates na matagal na akong tinataguan at opismates na matagal ko nang tinataguan. Taon na din ang binilang bago makita ang ilan sa kanila. Bati ng isa, Uy, ikaw pala iyan! Kilala pa pala ako ni opismate. Ang payat-payat mo na! Dalawang taon na kaming di nagkikita. Pag tatlong taon na kaming di nagkita, siguro ang payat-payat-payat ko na. Kalansay na lang siguro ako mga ilang taon pa. Wag naman sana.

Gaya ng sabi ko kanina, pang-teambuilding ang lugar. Pero pumunta kami doon para mag-workshop. Buong Sabado, nagkulong lang kami sa isang training hall. Kain lang ang pahinga. Hirit ng isa, ang sarap siguro kung araw-araw tayo nagse-seminar, ano? Lagi lang tayong nakaupo't nakikinig tapos kumakain. Oo naman! Nahirapan nga akong i-digest ang mga kinain ko.

Nag-umpisa ang workshop. Pinataba ang puso namin at pinalaki ang ulo namin sa pagsabi na kami ang mga napili dahil kami ang top performers o bibo kids. Talaga lang. Tapos na-discuss na isa sa mga problema ay ang dami ng mga nagre-resign. Dati pa namin sinasabi na taasan nila ang sweldo namin. Deadma lang sila. Kaya hanggang ngayon, marami pa din ang namamaalam.

May creativity training kami. Napag-usapan ang left brain at right brain. Ang mga laging gumagamit ng right brain ay laging late at sabog. Sabi ko, parang ako yan ah. Ang mga laging gumagamit naman ng left brain ay laging nago-overtime. Pag lagi daw nagO-OT dapat mag-UT o under time naman. Sakto at narinig ng managers ang payo ng speaker. Kaya wag nila kaming hiritan ng chargeablility. Joke lang.

Karaoke night kinagabihan. May beer at matching pica-pica. Di ako uminom. Tinira ko ang pulutan. Nakipag-meet new friends. Tinanong ng katabi ko kung kilala ko si <pangalan>. Sabi ko hindi at bakit. Kamukhang-kamukha ko daw siya. Akala niya daw ako siya. Maling akala lang pala. Sino kaya ang aking misteryosong kakambal? Ipapa-imbestiga ko sana siya kaya lang nakalimutan ko na ang pangalan niya.

Free time na ang Linggo. Lakad dito. Lakad doon. Tinamad na ako at nahiga na lang sa mala-hotel room namin hanggang sa uwian na. May susunod pa daw na workshop. Sana bumalik kami uli sa MMLDC.

trick scribbled @ 05:30 pm
holla at me!  

6.15.2009
Mga Kwento ng Kalayaan

UNA: PANAGINIP

Trabaho mula Lunes hanggang Biyernes. Malling sa Sabado at Linggo. Ganito lagi ang eksena sa buhay mo. Walang bago. Paulit-ulit. Nakakasawa na.

Umuwi ka ng bahay. Napagod ka sa ginawa mo buong araw. Bagsak ang iyong katawan. Maaga kang nakatulog.

Bigla kang namulat. Kumakaripas ka sa pagtakbo kasama ang tatlong iba pa. Tumago kayo sa isang silid. Napatingin ka sa iyong kamay. May hawak-hawak kang bag. Bubuksan mo sana para malaman kung ano ang laman nito…

Nang biglang pumasok ang isang magandang babae, nakadamit na tulad ng isang prinsesa. Di kayo kumilos. Itinutok niya ang dalang pana sa inyo. Galit siya. Bakit ninyo pinatay ang aking ama?

Pinana niya bigla ang isa sa inyo. Ipinaliwanag ng mga kasamahan mo ang buong pangyayari. Ang tanging naunawaan mo lang ay may misyon kayo. Naliwanagan ang prinsesa kaya tinulungan kayong makatakas.

Dali-dali kayo sa pagtakbo. Doon mo napansin na nasa loob pala kayo ng isang malaking spaceship. Natunton ninyo ang daan palabas. Tumalon kayo patungo sa kalawakan. Lumulutang kayo nang nakakita ka ng isa, dalawa, tatlo, maraming bulalakaw. Sumabog ang mga ito at nagkalat ang maraming kulay sa kalawakan. Nag-iwan ito ng mensahe: May 16 araw kayo sa mundo para tapusin ang misyon ninyo.

Bigla kang nagising. Nabitin ka. Panaginip lang pala.

Sayang. Marami ka pang gustong malaman. Ano ang inyong misyon? Ano ang laman ng bag? Sino ang mga kasama mo. Naging syota mo ba ang prinsesa?

Sa iyong muling pagtulog, lalaya na naman ang iyong imahinasyon at isang bagong mundo muli ang bubukas.


IKALAWA: PAG-IBIG

Umibig ka. Ilang taon na rin ang nakalipas. Siya ang iyong huli.

Hindi naging kayo. Walang romansahang naganap. Ni walang kiss o holding hands. Titigan lang at kulitan. Ganoon kalupit. Tinamaan ka sa kanya.

Naging magkaibigan kayo. Hindi friends with benefits. Friends lang. Nagkayayaan kayong kumain. Masaya siyang kausap. Laging nakangiti ang mga mata niya. Hindi mo alam kung date ba iyon o friendly date?

Pinakilala ka niya sa kanyang kaibigan. Natuwa ka naman. Sabi ng kaibigan niya sa kanya: Kaya pala di ka susamama sa amin mag-lunch kasi may kasama ka na pala. Lihim kang napangiti.

Nagkita kayo sa may hagdanan. Paakyat siya. Pababa ka naman habang nakapulupot ang dalawa mong kaibigang babae sa makisig (ehem!) mong katawan. Tinawag mo siya sabay kaway. Ngumiti lang siya sabay akyat. Di mo alam kung nagselos siya.

Naging magkaklase kayo. Magkatabi kayo sa klase. Nang di na kayo magkaklase, nag-sit in siya sa klase mo dahil di daw siya naka-attend ng klase niya o di daw niya naintindihan ang lesson o kung ano pang palusot niya. Syempre humanap ka agad ng upuan at pinaupo siya sa tabi mo. May pakiliti-kiliti ka pa siya sa iyong tagiliran. Sa loob mo, na-miss ka kaya niya?

Pagkatapos ng klase, nagpaturo siya sa iyo. Magaling ka daw magturo. Mabilis niyang nakukuha ang lesson. Pina-xerox niya ang notes mo. Masaya kayong nagkwe-kwentuhan. Nahulog pala ang ilang notes sa kamay niya. Kinuha ng isang lalake ang notes at tinawag siya. Miss! Miss! Hinarangan mo siya at kinuha ang notes sa kanya. Sinabi mong ikaw na ang magbibigay nito sa kanya. Masama ang tingin ng lalake sa iyo. Wala namang suntukan o rambol ang naganap. Buti naman.

Ang pinakamalungkot na oras para sa iyo ay tuwing uwian. Susunduin na kasi siya ng boypren niya. Oo, may boypren siya. Teka. May boypren pala siya!

Ang huling pagkikita ninyo ay sa MRT. Di mo makakalimutan iyon. Nakatabi mo siya sa tren. Kinamusta mo mga kaibigan niya. Kinamusta mo trabaho niya. Nahiya kang kamustahin siya. Kwentuhan lang. Ang bilis. Estasyon na niya. Bababa na siya. Nagpaalam na siya. Wala ka namang lakas ng loob para hawakan ang kanyang mga kamay at sabihing sumama na siya sa iyo—sa iyong mundo. Kaya nagpaalam ka na rin. Iyon din ang araw na pinakawalan mo siya.


IKATLO: PANGARAP

Pagkatapos mong maging dream boy at lover boy, ano na ang gusto mong gawin sa buhay mo?

Hindi ka naman pwedeng managinip na lang. Gumising ka at kumilos. Pag-ibig ba? Darating din iyon. Baka bukas o makalawa. Na-trapik lang. Huwag kang mainip. Maghintay ka lang.

Boring ba ang buhay mo? Kumain ka ng ice cream. Maglaro na parang bata. Pagmasdan ang ulap o ulan. Food trip. Road trip. Sound trip. Gawin kung ano ang trip mo. Umibig. Masawi. Umibig muli. Mangarap. Iyan ang pinakamahalaga. Maliban sa hangin, ang pangarap na lang ang libre sa mundong ito.

Masarap mabuhay. Lalo na kung may pangarap ka. Hindi mahalaga kung makamit mo man ang pangarap mo o hindi. Ang mas mahalaga ay isabuhay mo ang pangarap mo.

Malaya kang mangarap. Malaya kang maging masaya. Malaya ka.

trick scribbled @ 06:43 pm
holla at me!  

5.30.2009
Careless Whisper

Habang namomroblema ang buong mundo sa global financial crisis at global warming, ang buong Pilipinas ay pinagpipiyestahan ang sex scandal—ang sex video nina Hayden at Katrina.

Nagtulung-tulungan ang mga lider at eksperto upang mapigilan ang paglaganap ng H1N1 virus. Tayo naman sa Pinas, nagkakaisa ang mga senador at opisyal ng gobyerno para mapigilan ang paglaganap ng VCD at DVD na naglalaman ng kontrobersiyal na sex video sa mga bangketa ng Quiapo.

Kahit saan ka pumunta, maririnig mo ang Careless Whisper. Most requested song sa radyo. Ring tone sa celphone. Kinakanta sa videoke. At ang mas matindi—kinakanta ng katabi mo.

tenenenenen tenenene nenen...

trick scribbled @ 02:48 pm
holla at me!  

Next Page

This site is owned by a guy named Trick. This dude is simple and laidback. He can be really shy and so talkative at times. He likes food a lot as well as graphic design.

   

<< February 2010 >>
Sun Mon Tue Wed Thu Fri Sat
 01 02 03 04 05 06
07 08 09 10 11 12 13
14 15 16 17 18 19 20
21 22 23 24 25 26 27
28


If you want to be updated on this weblog Enter your email here:




rss feed